Naantig ang damdamin ng mga netizen sa viral video ng isang binatilyong lalaki sa Tanza, Cavite, na naglalakad-lakad habang nakasuot ng uniporme sa paaralan at may pasan-pasang stainless na balde, na kinalalagyan ng kaniyang panindang taho upang maglako.
Batay sa Facebook post ng netizen na kumuha ng video sa kaniya na si "Jhap Tarog" noong Setyembre 15, nabagbag ang kaniyang puso nang makita si Gopi o Gurprit Paris D. Singh, 16 anyos, nang makasalubong niya ito sa kalsada. Napag-alaman niyang papasok ito sa paaralan nang mga sandaling iyon.
"Sobrang nakakahanga ang bata na 'to," ani Tarog.
"Pinagsasabay ang pagtitinda at pag-aaral. Laban lang sa buhay, darating din ang araw na magtatagumpay ka sa buhay."
"Ito yung dapat tinutularan na kabataan," aniya.
Batay sa kaniyang hitsura at apelyido, ang ama ni Gopi ay isang Indiano, at ang kaniyang ina naman ay Pilipina. Isinilang umano siya sa Cebu City subalit lumipat sila sa Tanza, Cavite.
Ayon sa ulat, maagang gumigising araw-araw si Gopi upang ihanda ang paninda niyang taho, katuwang ng kaniyang nanay, na siya namang nagluluto ng arnibal at sago na inilalahok sa panindang taho.
Kapag papasok siya sa paaralan sa pamamagitan ng paglalakad ay naglalako siya. Kapag nasa paaralan na siya, pinakikiusapan niya ang sekyu na bantayan muna ang kaniyang stainless balde. Kapag recess o pananghalian, naglalako naman siya ng mga paninda sa kaniyang mga kaeskuwela upang maubos ito.
Sa isang araw ay kumikita si Gopi ng 400 hanggang 600 piso, na malaki ang naitutulong sa kaniyang pag-aaral.
Balang-araw, nais maging Civil Engineer ni Gopi kaya hindi niya ikinahihiya ang kaniyang pagtitinda. Naniniwala rin ang Grade 11 student na lahat ng problema ay may solusyon, kagaya ng Mathematics.
"Life is like math as there is always a solution to every problem. I only wish na sana yung mga taong going through hardships or problems in life will be able to find their solutions to solve their problems, and be happy including me," aniya.