Apat na lalaki na itinurong nagnakaw sa dalawang Indian lender sa Quezon City ang arestado sa isinagawang follow-up operation ng mga miyembro ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) noong Biyernes, Setyembre 23, inihayag ni Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. Nicolas Torre II.
Kinilala ni Police Lt. Col. Roldante Sarmiento, station commander ng PS 13, ang mga suspek na sina Jayruss Calzado, 31, ng Caloocan City; Ninoy Aquino, 39; Carlo Candelaria, 36; at Loreto Candelaria, 56, pawang residente ng Brgy. Payatas, Quezon City.
Sa ulat ng pulisya, nangongolekta ng utang sina Beant Singh Sran at Gurpyar Singh sa lugar ng San Miguel St., Brgy. Payatas bandang 12:30 p.m. noong Biyernes nang sumulpot ang mga suspek na sakay ng kanilang mga motorsiklo at, habang tinutukan ng baril, kinuha ang lahat ng nakolektang pera ng mga biktima na nagkakahalaga ng P18,000.
Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-4 ng hapon.
Sinabi ng pulisya na itinuro ng isang Julius Caesar Garcia ang mga suspek bilang mga taong nagnakaw sa kanyang tindahan ng karne noong Setyembre 22.
Bukod dito, humarap sa himpilan sina Harwinder Singh at Bhupinder Singh Dhalinal, mga Indian national din, at kinilala ang mga suspek na parehong mga taong nagnakaw sa kanila noong Setyembre 22 sa Bicol St. sa Brgy. Payatas, Quezon City.
Narekober mula sa mga suspek ang isang improvised firearm, apat na replica firearms, dalawang wallet, apat na cellular phone, apat na helmet, isang ID sa pangalan ni Bhupinder Singh Dhaliwal, at isang asul na Honda TMX.
Sasampahan ng kasong robbery, theft, at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang apat na suspek.
Nagpasalamat si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa QC police sa kanilang mabilis na pagresponde sa insidente na naging dahilan ng pagkakaaresto ng mga suspek.
Pinuri rin ni Brig. Gen. Torre III at acting NCRPO director, Brig. Gen. Jonnel Estimo ang PS 13 para sa kanilang mabilis na pagtugon.
Jaleen Ramos