Pumapayag ang Liga ng mga Barangay na iurong muna ang Barangay, Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na dating itinakda sa Disyembre 5.

Sa pahayag ng pangulo nito na si Eden Chua Pineda, hindi nagawa ng mga opisyal ng barangay ang kanilang proyekto dahil nagsilbi silang frontliner sa kasagsagan ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19)

“Humihingi po kami ng postponement sa election na ito precisely because we were not also able to implement our programs sa bawat barangay. Kasi nga po 'yung pondo pa rin ng barangay ay nai-channel po sa Covid-19.And gusto po namin din maipagpatuloy ang mga programa po namin na na-promise din namin or dapat gawin din namin sa barangay,” paliwanag nito sa isang panayam.

“Sa pandemic na ‘to, ang almost 2 and a half years, wala po kaming ibang naipatupad na mga programa at infrastructure or development sa barangay,” pagdidiin ni Pineda.

Bukod dito, pabor din sila sa mungkahi ng mga mambabatas na palawigin paang termino ng mga opisyal ng barangay at SK hanggang 6 na taon, mula sa kasalukuyang 3 taon.

Makatutulong din aniya ang mas mahabang termino ng mga opisyal nito sa pagsusulong ng kapayapaan sa kani-kanilang lugar.