Hindi makapaniwala ang maraming Pinoy pageant fans sa tatas na pananagalog ni Miss Universe Spain 2022 Alicia Faubel na maging ang punto ay aakala mong isang ganap na Pinay.

Pinusuan ng maraming fans ang kabogerang pananagalog ng bet ng Espanya sa Miss Universe 2022.

Sa isang Facebook post ng pageant page nitong Miyerkules, mapapanuod ang halos isang minutong video ni Alicia habang sinasagot ang ilang tanong ng Pinoy fans.

Dito natanong ang beauty queen kung gaano ito katatas managalog kung pupuntusan ang sarili mula 1-10.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

“Feeling ko ngayon mga five, [o] six. Dati mas fluent ngayon medyo mahirap kasi wala pang practice. Dati nakatira sa Manila so maraming practice kasi maraming Filipino ‘di ba? Ngayon medyo mahirap pero kaya pa,” matatas na saad ng 25-anyos na titleholder.

Bago bumalik ng Espanya, ang beauty queen ay nanirahan sa Pilipinas ng ilang taon bilang isang fashion model.

Ayon din sa ilang fans, sa Pilipinas din umano nag-aral ng kolehiyo ang modelo bago naging isang aktres sa Espanya.

Kaya naman hindi kataka-taka na maging ang Pinoy accent ay nakuha rin ni Alicia, bagay na manghang-mangha naman ang maraming pageant fans.

Biro tuloy ng isang pageant enthusiast, “Mas marunong pa s’ya mag-Tagalog kesa kay Catriona [Gray], Celeste [Cortesis] at Hannah Arnold hahahhaha lalo na sa accent.”

Maging sa pagpili ng Pinoy dish, swak na swak ding sinagot ni Alicia ang fan na para bang tubong Pinas at isang ganap na Pinay.

“Gusto ko sweets. Favorite ko leche flan, buko pandan, turon, ube, halo-halo. From the sour dishes, I like kare-kare, it’s really good. I like the peanut butter flavor on it. Adobo syempre masarap,” anang beauty queen.

Si Alicia ay makakatunggali ni Celeste sa 71st Miss Universe Competition sa Enero 2023.

Nauna nang nagpahayag ng excitement ang Spanish beauty sa kanilang paghaharap ni Celeste.

Si Alicia ay tubong Alicante, Comunidad Valenciana.