Habang nasa Amerika para sa 77th Session ng United Nations General Assembly at iba pang mga official gatherings ay nakapanood pa si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa concert ng hinahangaang American singer na si Eric Clapton.

Napanood ng Pangulo ang huling 30 minuto ng konsiyerto nito sa Madison Square Garden sa New York City noong Setyembre 19, 2022. Ipinost ng vlogger na si RJ Nieto o kilala bilang "Thinking Pinoy" ang selfie nila ni PBBM.

"A VERY HECTIC DAY FOR THE PRESIDENT," ayon sa caption ni Nieto.

"He arrived at noon, checked in sa kanyang hotel, went straight to the Filipino Community meeting in Jersey, had a couple of meetings afterwards, then headed here to catch the last thirty minutes of the Eric Clapton concert, then went straight back to hotel."

"Let him have a bit of a break tonight because he'll barely get any sleep tomorrow until he goes back to the Philippines."

Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, nagkakahalagang US$6,949.89 ang front row tickets ng concert at US$200 para sa “nosebleed” seats ng dalawang gabi (Setyembre 18 at 19).

Si Clapton ang nagpasikat ng iba't ibang awitin, gaya ng "Wonderful Tonight" na nakadikit na kay Senador Robin Padilla matapos itong kantahin sa kampanya.

Bukod kay PBBM, may selfie rin si Nieto kay First Lady Liza Araneta Marcos at kaibigan nitong aktres na si Dawn Zulueta nitong Setyembre 22, na nakapanood naman daw ng isang broadway show.

"May kaunting free time sina FL and Dawn this afternoon so isiningit na muna ang isang broadway show," ayon sa caption.