Tunay nga na kapag mahal ng isang tao ang kaniyang trabaho o ang kaniyang ginagawa ay walang anumang magiging hadlang para makamit ang kaniyang mga pangarap.

Sinong mag-aakala na ang larong aral-aralan lamang noon ay nagkatotoo na ngayon?

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Simula pa lamang pagkabata, pangarap na ni Ginoong Angel Salvador Laysico na maging guro. Sa kaniyang eksklusibong panayam sa Balita, ikinuwento niya na noong nasa elementarya siya ay naglalaro sila ng kanyang mga kapitbahay ng aral-aralan na kung saan siya ang Math teacher o 'di kaya'y principal.

Hindi lingid sa kanyang kaalaman na ito ang kaniyang magiging kinabukasan.

Ang batang nangangarap na maging guro ay isa nang Head Teacher III ng Mathematics Department sa Tañong National High School sa Malabon City. Isa siya sa mga pinakabatang na-promote bilang isang department head sa edad na 30-anyos.

Ngunit bago makamit ang mga ito, hindi rin naging madali para sa kaniya. Kabi-kabilang scholarship ang inapplyan niya para makapag-aral at kinarir din niya ang pagsali sa mga school organizations. Mula dito, nagbago ang takbo ng kaniyang buhay.

"Naging CHED scholar po ako noong pumasok ako sa Philippine Normal University kaso napabayaan ko po ang aking pag-aaral dahil sa pagiging active and focus sa Student Government," ani Laysico sa kanyang panayam sa Balita.

"Nagdecide po ang parents ko na ilipat ako sa Arellano University as academic scholar po and Cayco Foundation para sa everyday transportation expenses ko po. Pagpasok ko po sa AU, naging presidentepo ako ng YMCA sa school, NCR federation and Philippines.

"Then, being the President ng YMCA Philippines (College), pinadala po ako ng AU at YMCA sa International Youth Symposium sa Hongkong as Head Delegate," paglalahad pa niya.

Bukod dito, ibinahagi rin niya ang nakuha niyang pangaral.

"Hanggang sa naging youngest and longest time President ng Faculty Club ng Longos National High School kung saan naawardan po ako as Outstanding Educator and Inspiring Youth Advocate of the Year ng 4th Asia Pacific Luminare Awards," saad ni Laysico.

Naging recipient siya ng Gawad Sipag at Gawad Sikhay at Galing noong 2019 sa SDO-Malabon City Gawad Parangal, nominado siya sa 2021 Global Leaders and Educators Awards, at naging guest speaker din siya sa isang unibersidad.

2019 Gawad Sipag at Gawad Sikhay at Galing

2021 Global Leaders and Educators Awards

Gayunman, dahil sa kaniyang pagmamahal sa trabaho dalawang beses na siyang na-stroke at siya ay na-diagnose ng Chronic Kidney Disease Stage 2. Kahit na may sakit ay hindi ito iniinda ng guro at hindi niya hinahayaang makaapekto ito sa kaniyang tungkulin.

"Kahit na may mga sakit akong naranasan at dinadamdam magpahanggang ngayon, hindi ko hinahayaan na makaapekto sa aking tungkulin bilang tagahubog sa mga kabataan," saad ni Laysico.

Dagdag pa niya, "Naniniwala ako na basta mahal mo ang ginagawa mo, walang magiging balakid sa’yo na gampanan ang sinumpaang tungkulin sa kabataan, sektor ng edukasyon at sa bayan."

"Bilang isang guro, isang sense of fulfilment sa akin ang makita na ang mga itinuro ko ay naiaapply ng mga kabataan sa kanilang tunay na buhay. Nakatutuwa na makita ang mga naging student ko na makapagtapos sa college, bonus pa kung sila ay nagtapos na may latin honors."

Pagbabahagi pa niya, naging inspirasyon niya sa napiling propesyon ang kaniyang Math teacher. Malaki rin ang kanyang utang na loob sa mga organisasyon na humulma sa kanya.

"Ang naging inspirasyon ko upang maging math teacher ay ang math teacher ko noong third year high school na si Mam Luz A. Cruz. Siya ang naging idolo ko kahit magpahanggang ngayon na kapwa na kami Department Head ng Mathematics sa kanya-kanya naming paaralan sa Malabon City," paglalahad niya.

"Utang ko sa kung ano at sino ako ngayon sa mga organization na humulma sa aking kakayahan o abilidad. Ang mga organization na ito ay ang Young Men’s Christian Association of Manila, Alliance of Concerned Teacher, Special Program for Employment of Students – Local Government of Malabon at ang Malabon Public Elementary and Secondary Teachers Association, Inc."

Samantala, nag-iwan naman ng mensahe si Laysico para sa kaniyang mga kapwa guro ngayong National Teachers' Month.

"Bilang guro ng bayan, palagi nating iprioritize ang kapakanan ng pangunahing stakeholder ng ating paaralan at ang dahilan kung bakit tayo naging teachers, ang kabataan. Saludo po ako sa inyong lahat na ginagawa ang best sa pang-araw-araw na paggampan sa ating sinumpaang tungkulin na magmulat ng mga kabataan lalo na sa panahon ngayon na malaki at mahalaga ang gampanin ng mga kabataan para sa ikauunlad ng ating bansa."