Naiuwi pa rin ng NorthPort ang panalo kontra Phoenix Super LPG, 92-89, kahit nahirapan sa buong laro sa PBA Commissioner's Cup sa Mall of Asia (MOA) Arena sa Pasay City nitong Huwebes.
Ayon kay Batang Pier coach Pido Jarencio, malakas ang fighting spirit ngkanyang koponan dahil umabante pa ang Fuel Masters ng 19 puntos sa unang bahagi ng laro.
Nagawang makahabol ng NorthPort sa second quarter matapos nilang maibaba sa siyam ang abante ng Fuel Masters.
Nagawang maipanaloni Robert Bolick ang laban matapos ang tres nito 14 segundo na lang ang nalalabi sa regulation period.
Nakakolekta si Bolick ng 21 puntos habang naka-16 points naman ang bagong kakamping si Arvin Tolentino na kalilipat lang sa koponan, kasama sina Jeff Chan, Kent Salado at Prince Caperal sa naganap na three-team trade kung saan kasali rin ang San Miguel Beer.
"For me, a win is a win. We're struggling the whole game. Defensively, offensively, hindi namin makuha. Ang maganda lang is 'yung puso, nandoon. 'Yung will to win, nandoon, and then players executed in the end," sabi ni Jarencio.
"Sana buong season maging consistent kami. Kulang talaga kami. Kulang sa practice, kulang sa tune-up, ganyan. Nag-tune up kami, dalawang beses lang yata, isang beses," dagdag pa ni Jarencio.
Nakatakda namang harapin ng NorthPort ang Bay Area Dragons sa MOA Arena sa Sabado.