Nagbigay ng reaksiyon ang isa sa cast members at nagwaging "Best Supporting Actor" ng pelikulang "Katips" sa 70th FAMAS na si Johnrey Rivas, sa unang episode ng "Kalimutan Mo Kaya" ng Vincentiments, tampok si Senadora Imee Marcos, na inilabas at umere nitong Setyembre 21, 2022, kasabay ng ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law sa bansa.
Pinalagan ni Rivas ang isa sa mga naging pahayag ni Marcos hinggil sa pagmo-move on.
Sa episode 1, nagbigay ng payo si “Manang Imee” sa isang misis na nahuling may "kabit" ang kaniyang mister.
"Nakakapangit ang galit. Tingnan mo napahamak ka pa. Nandamay ka pa ng wala namang kasalanan sa 'yo. Ganoon kasi kapag puro nakaraan, nawawalan ka ng kinabukasan… hindi mo ikamamatay ang pagsuko, ang pag-move on, o ang pagpapalaya… Hindi rin madali ang makalimot pero sabi nga mas mabilis gumaling ang sugat kapag hindi kinakalikot," ani senadora.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/09/21/love-guru-marcos-sa-pinakabagong-online-serye-saka-ka-na-magpatawad-pag-handa-ka-na/">https://balita.net.ph/2022/09/21/love-guru-marcos-sa-pinakabagong-online-serye-saka-ka-na-magpatawad-pag-handa-ka-na/
Reaksiyon naman ni Rivas, "Ang paglimot sa kasaysayan ay hinding-hindi mo maihahalintulad sa isang Relasyon. Kailanman dapat maging aral ito para ang mga masasamang naganap sa kasaysayan ay hindi na maulit pa. Hindi uunlad ang nasyon kung hindi tayo matututo sa mga nakalipas na panahon."
"Wag n'yo po kaming daanin sa mga sanaysay at argumento na halatang ginawa lamang para baliktarin ang kasaysayan. Tama na, Sawa na, Sobra na. Paano na ang Pilipinas kung sa kamay lang ng mga Pilipinong namumuno na katulad n'yo mapupunta."
"Sabi nga ni Sr.Claire ng Katips: 'NAKAKAHIYA NANG MAGING PILIPINO, HANGGA'T MAY MGA PILIPINO NA KAGAYA NINYO," aniya.
Matatandaang nagbigay rin si Rivas ng kaniyang mensahe para sa ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law sa bansa.
Ang pelikulang "Katips" ni Atty. Vince Tañada, na ang tema ay pagpapakita ng mga biktima umano ng Martial Law, ay katapat ng pelikulang "Maid in Malacañang" ni Darryl Yap, ukol naman sa mga kuwento sa likod ng mga pangyayari sa pamilya Marcos, dalawang araw bago ang EDSA People Power I.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/09/21/katips-best-supporting-actor-johnrey-rivas-may-mensahe-patungkol-sa-anibersaryo-ng-martial-law/">https://balita.net.ph/2022/09/21/katips-best-supporting-actor-johnrey-rivas-may-mensahe-patungkol-sa-anibersaryo-ng-martial-law/