Inanunsyo ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes na ibinaba na nila sa 30% ang bilang ng fully-vaccinated na Filipino, na target nilang mabakunahan ng 'booster shot', sa unang 100 araw sa puwesto ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr..
Ayon kay DOH Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire, ito'y dahil na rin sa mabagal na pace ng bakunahan.
Gayunman, sinabi ni Vergeire na nananatili pa rin naman na 50% ang target nila na mabakunahan hanggang sa katapusan ng 2022.
Mayroon na nga rin aniyang mga rehiyon sa bansa ang nakaabot na sa kanilang 50% target.
"Due to the pace at which our booster vaccination is going, we have adjusted our target only for the first 100 days (Oct. 8) to 30%," pahayag pa ni Vergeire.
"Even so, this does not mean we will be lax in our efforts and settle for just reaching 30%," aniya pa.
Dagdag pa niya, "The target for booster vaccination coverage under our PinasLakas campaign is still 50% by the end of 2022--that has not changed."
"In fact, some regions such as NCR have already achieved our target of 50% booster vaccination coverage," ani Vergeire.
Tiniyak rin ni Vergeire na kahit ibinaba nila ang target hanggang Oktubre 8, ay hindi ito nangangahulugan na magpapabaya na sila sa kampanya.
Pipilitin pa rin aniya nilang malampasan ang 30% na target.
Paniniguro pa niya, dinodoble na nila ang kanilang kampanya para maabot ang target sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba't ibang sektor at pagbibigay ng insentibo sa mga magpapa-booster.
"On the contrary, we are doubling down on our campaign to reach and even surpass our target of 30% by Oct 8 and 50% by the end of the year--this is why we are working with our different government agencies to target specific sectors and encourage people to get vaccinated by providing incentives," aniya pa."Kaya magtulong-tulong po tayo dito, let us all get boosted and let us encourage everyone we know to get boosted as well so we can protect the people we love and successfully transition to the new normal," dagdag pa ng opisyal.