Bago matapos ang Setyembre 21, 2022 ay nakapag-tweet pa si dating Vice President Atty. Leni Robredo ng kaniyang mensahe para sa ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law sa Pilipinas.
Ayon sa kaniyang tweet bandang 10:20 ng gabi, ginugunita sa araw na ito ang katapangan ng mga Pilipino, na nakipaglaban para sa katotohanan, hustisya, at kalayaan noong namamayani ang Batas Militar sa Pilipinas.
"Today, we honor the bravery of Filipinos who fought for truth, justice and freedom during Martial Law. Malaking sakripisyo ang hiningi para muli nating mahanap ang liwanag."
Aniya, magsilbi sanang inspirasyon ang kanilang katapangan noon, upang manindigan sa totoo at tama, sa kasalukuyan.
"Ang kanilang tapang at pagmamahal, magsilbi sanang inspirasyon sa atin para tumindig para sa totoo at tama."
Si Robredo ay isa sa mga naging katunggali ng kasalukuyang pangulo ng bansa na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa pagkapangalawang pangulo sa 2016 Elections, at sa pagkapangulo naman nitong 2022 Elections, na anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. na siya namang nagdeklara ng Martial Law sa bansa.