Hinangaan at pinusuan ng libu-libong netizens ang ngayo’y viral video ng isang estudyante sa Davao City kung saan mapapanuod ang kanilang teacher na swabeng kumakanta ng sikat na “Babalik Sa’yo” ni Moira Dela Torre.

Ayon sa uploader na si Kirstin Fordelon, si Teacher Chrisel Joy Dela Cruz ang nasa video, isang General Biology teacher ng Davao National High School sa Davao City.

“Kakatapos lang namin lahat sa performance task namin by group tapos energetic and happy kaming lahat kasi perfect yung all groups tapos may group na nagdala ng guitar and sakto rin kasi homeroom time na ‘yun nag-pasample kami sa adviser namin nag request kami nyan na song,” saad ng Grade 12 STEM student sa panayam ng Balita Online.

Dagdag ni Kirstin, unang beses nilang marinig na kumanta ni Teacher Chrisel kaya naman laking-mangha ang buong klase dahilan para magsipag-kuha rin sila ng video.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Pinost ko pag-uwi ko ‘yung video dito sa dump account ko tapos na-shock na lang ako ‘pag log in ko ulit dami ng views,” ani Kirstin.

Libu-libong netizens ang humanga at pinusuan ang tagpo kung saan gamit pa ni Teacher Chrisel ang kaniyang lapel habang malamig na kinakanta ang trending song ni Moira.

Hindi naman kataka-kataka ang husay ni Teacher Chrisel dahil sa pagbabahagi ni Kirstin, naging winning contender na ang singing teacher sa "Tawag ng Tanghalan" ng "It's Showtime."

Taong 2016 nang unang sumalang si Teacher Chrisel sa kompetisyon. Nagbalik din ang guro sa parehong kompetisyon noong 2017 kung saan nakatunggali niya si TNT Champ Janine Berdin.

Ani Kirstin, magkahalong saya at kaba umano ang naramdaman ng kanilang guro ng malamang nag-viral siya sa social media.

Pagtitiyak naman ng estudyante, isang “chill teacher” si Teacher Chrisel na ginamit ang natirang oras ng klase para sa nasabing viral video.

Sa pag-uulat, nasa mahigit 51,000 reactions at 1.3 million views na ang nasabing video sa Facebook.