Hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga Pilipino na huwag kalimutan ang mga aral na natutunan sa panahon ng Martial Law.
Ang mensahe ng cardinal ay kasabay ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., ngayong Miyerkules, Setyembre 21.
“Huwag nawa nating kalimutan ang mga aral mula sa panahon ng Martial Law. Nakita na natin ang liwanag, huwag na tayong bumalik sa dilim,” ayon kay Advincula, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Binigyang-diin din ng Cardinal ang mga aral ng kasaysayan, gaya nang pagpapahalaga sa dignidad ng tao at pagtatanggol sa mga karapatan, gayundin ang pagsusulong ng kapayapaan sa lipunan na walang karahasan.
“Natutuhan nating pahalagahan ang buhay ng tao, itaguyod ang dignidad ng bawat isa at igalang ang karapatang pantao. Natutuhan natin na ang tunay na pag-unlad ay nakasalalay sa katarungan at kapayapaan. Natutuhan nating ipaglaban ang katotohanan,” aniya pa.