Kabilang ang isang 92-taong gulang na lola sa mga nagpabakuna laban saCovid-19, sa paglulunsad ng Pinas Lakas Campaign sa Calasiao, Pangasinan kamakailan.

Sa isang kalatas na inilabas ng Department of Health (DOH)-Ilocos Region nitong Miyerkules, Setyembre 21, nabatid na personal na nagtungo si Lola Pacita Jovellanos, ng Poblacion West, Calasiao, Pangasinan, upang tumanggap ng kanyang second booster shot sa idinaos na PinasLakas Launching Activity sa Calasiao Sports Complex noong Setyembre 16, 2022.

Naka-wheelchair pa si Lola Pacita nang magtungo sa vaccination center, kasama ang kanyang anak na babae.

Kwento ng anak ni Lola Pacita, pursigido ang kanyang ina na magpaturok ng kanyang second booster shot upang makumpleto ang kanyang bakuna kaya’t nagpasama ito sa kanya sa vaccination center.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kaagad namang inasikaso ng mga health workers si Lola Pacita, na sinuri muna bago tinurukan ng Pfizer vaccine.

“Sabi ng gobyerno natin kailangan ang kumpletong bakuna upang mas ligtas tayo sa Covid kaya ako nagpursiging magpunta dito. Ito lang ang tanging maitutulong ko upang hindi na kumalat pa ang Covid dito sa Calasiao,” ayon pa kay Lola Pacita, nang bakunahan ito.

Pinasalamatan naman ni DOH - Ilocos Regional Director Paula Paz Sydiongco si Lola Pacita dahil sa kanyang tapang at suporta sa kampanya ng pamahalaan laban saCovid-19.

Hinikayat rin ni Sydiongco ang mga residente na gayahin ang ‘selfless deed’ ni Lola Pacita at magpaturok na rin ng kanilang booster shots upang palakasin ang kanilang proteksyon laban saCovid-19virus.

“Nagpapasalamat din po kami sa suporta ng Calasiao LGU sa ating bakunahan at hinihingi rin po naming tulungan nyo po kaming makamit ang ating layunin na mabakunahan ang lahat upang makabalik na tayo sa ating nakagawiang normal na pamumuhay na walang takot at pangamba na tayo ay tatamaan ng sakit na Covid,” ayon pa kay Sydiongco.

Nabatid na ang PinasLakas launching sa Calasiao ay isinagawa ng buong araw at kabilang sa naturukan ng bakuna doon ay mga estudyante, mga government at private employees, gayundin ang mga batang limang taong gulang pataas.

Ayon sa DOH-Ilocos Region, umaabot sa 2,400 (78%) mga senior citizens at 22,000 (16%) indibidwal ang naturukan na nila ng first booster shots sa Calasiao.

Mayroon rin umanong anim na aktibong kaso ng Covid-19 sa naturang bayan.