QUEZON -- Napatay ang tatlong miyembro ng New People's Army (NPA) kasunod ng bakbakan sa pagitan ng militar at rebelde sa Sitio Lagmak, Brgy. Pagsangahan, General Nakar noong Martes ng umaga, Setyembre 20.
Sinisikap pa ng militar na tukuyin ang mga pangalan ng mga napatay rebelde habang pinoproseso ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang kanilang mga bangkay.
Ayon sa ulat, naka-engkwentro ng platoon size ng 22nd Division Reconnaissance Company (22DRC), sa pangunguna ni Army Lieutenant Genosolanggo, ang mga rebelde habang nagsasagawa ito ng Focus Military Operation sa ilalim ng Kilusang Larangang Gerilya (KLG) Narciso at Executive Committee ng Sub-Regional Military Area-4A (SRMA-4A) sa pangunguna nina alyas 'Yayo' at alyas 'Luis.'
Nagkaroon ng ilang minutong palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong rebelde habang ang iba ay nagsitakas patungo sa magubat ng nasabing lugar.
Naglagay ng checkpoint at blocking forces ang General Nakar Police at 1st Infantry Battalion ng Army sa Barangay Anoling at nakipag-ugnayan sa Regional Mobile Force Battalion at Quezon 1st Mobile Force Company para tugisin ang mga tumatakas na rebelde.
Narekober sa pinangyarihan ng labanan ang dalawang M16 Armalite rifles, isang R4 carbine, at isang M203 grenade launcher.