Pinag-usapan sa social media ang tila "real talk" na tip ng isang digital creator at engineer ngayong pagpasok ng “ber” months kung saan kaliwa’t kanan muli ang sale.
Kamakailan, limang tips ang ibinahagi ni Engineer Hanna at Engr. Reuel Pindoy para epektibong makaalpas ang maraming Pinoy ngayong “gastos season.”
Naging kontrobersyal naman para sa libu-libong netizens ang prangkang tip ng digital creators na naghihikayat na iwasan ang mga kaibigang magastos.
“Hindi naman kelangan mag-unfriend, pero umiwas na tayo sa mga kaibigan nateng marurupok lalo na pag may sale. Surround yourself with ‘kuripot’ and ‘wais’ friends,” paglilinaw na mababasa sa Facebook post ng career coach.
Instant viral sa Facebook ang tip na ito na parehong ikina-relate at ikinaaliw ng maraming netizens.
Kaniya-kaniyang tag pa ng mga kaibigang magastos ang maraming netizens sa naturang post at naging biro pang naging dahilan ito ng maraming magtatapos na pagkakaibigan ngayong Christmas season.
Paglilinaw ni Engineer Hanna, “hindi niyo naman sila kailangan i-unfriend. You just have to set limits sa mga expenses.”
Samantala, kabilang sa limang tips ng online creator ang pagtatakda ng budget, pagtanggi sa mga kaibigang magastos na hindi kayang iwasan, paghahanap ng “accountability buddy,” at kalinawan sa dahilan ng maayos na paggasta sa perang pinaghirapan.
Sa pag-uulat, umabot na ng mahigit 35,000 laughing reactions, 25,000 comments at 55,000 shares ang naturang post sa Facebook.
Bagaman prangka, ilang netizens ang tila sumang-ayon sa viral tip.