Malulusutan pa kaya ng komedyante at television host na si Vhong Navarro ang kasong rape na isinampa ng modelong si Deniece Cornejo noong 2014?
Ito ay nang maglabas ng ikalawang warrant ang hukuman upang maaresto ito sa kinakaharap na kaso.
Nitong Lunes ng hapon, inilabas ni Taguig Regional Trial Court Branch 69 Judge Loralie Datahan, ang warrant ilang oras matapos maibaba ng korte ang unang arrest warrant nito sa kasong acts of lasciviousness na isinampa rin ni Cornejo.
Walang inirekomenda ang korte para sa pansamantalang kalayaan ni Navarro sa kaso.
Ang pagpapalabas ng warrant of arrest ay resulta nang pagpabor ng Court of Appeals (CA) sa mosyon ni Cornejo kamakailan na humihiling na baligtarin ang resolusyon ng Department of Justice noong Abril 4, 2014 na nagbabasura sa dalawang kasong iniharap ni Cornejo laban kay Navarro.
Iniutos din ng CA na isampa sa korte ang mga kaso laban sa komedyanteng TV host.
Matatandaang ginahasa umano ni Navarro si Cornejo sa loob ng condo unit nito sa Bonifacio Global City sa Taguig noong Enero 17, 2014.