Isa ang talent manager na si Ogie Diaz sa mga nagbigay ng kritisismo sa naging soft opening ng ALLTV kaya naman todo-depensa ito sa naging pag-alma ni Willie Revillame kamakailan.
Sa kamakailang pag-ere ng programa ni Willie sa brand new network, humingi ng paumanhin ang host dahil sa naging problema umano sa speaker ng pinag-usapang pilot performances kabilang na ang viral stage comeback ni Toni.
Dito naglabas din ng prangkang saloobin si Willie sa mga tinamong pambabatikos.
“Mahirap magpuna ng pagkakamali sa kapwa mo. Tignan mo muna ang sarili mo,” dagdag ni Kuya Will.
Sa kaniyang programa sa YouTube, ibinahagi naman ni Ogie ang maanghang na resbak sa "Wowowin" host.
“Himay-himayin ko 'yung sinabi ni Kuya Wil, ha. I love you, Kuya Wil, alam mo 'yan. Pero siyempre sa mga pagkakataong ganito. Dapat naririnig ni Kuya Wil kung ano 'yung sentimiyento o 'yung pagpupuri o 'yung opinyon ng mga taong nanonood,” pagsisimula ni Ogie at ipinuntong mahalaga ang feedback ng manunuod para sa bagong network.
“Kuya Wil, ano ba dapat 'yung pinupuna? 'Yung tama o 'yung mali? O 'yung kulang o 'yung kapos o 'yung dapat sana ay mas maganda kung ito 'yung gagawin? Siyempre naman, 'pag kapuri-puri naman, pupurihin naman, Kuya Wil,” dagdag ni Ogie.
“Kung maganda 'yung audio, sa palagay mo, hindi ko naman pupurihin 'yon? Kung maganda naman ang sound system, sa palagay mo hindi ko pupurihin 'yon? Kung maganda ba 'yung backdrop o 'yung stage design o 'yung LED wall, hindi ko ba pupurihin? Siyempre pupurihin ko,” pagpapatuloy niya.
Paglilinaw ni Ogie, isang constructive criticism lang ang kaniyang naging pahayag.
“Constructive naman 'yon, Kuya Wil. Sana marunong tayong tumanggap ng kritisismo lalo na't ang tagal-tagal mo na sa industriya. Dapat alam mo na 'yan,” anang host habang binigyang-diin na aminado rin ang ALLTV host sa pagkukulang ng network base na rin sa mga pahayag nito.
‘Di rin pinalampas ni Ogie ang pahayag ni Willie kaugnay ng mga taong tinulungan ng network.
Anang talent manager, hindi ang mga ito ang pinupuna ng kaniyang pahayag.
“’Yung kalidad, ‘yung production values, ‘yung pinupuna. Hindi naman ‘yung mga taong tinutulungan.”
“Tsaka ‘pag ganito ‘yung lagi nating sinasabi, ‘Yung may mga tao tayong tinutulungan dito sa istasyon na ‘to,’ panunumbat ‘yun,” dagdag ni Ogie.
Sa pag-uulat, wala pang tugon si Willie sa mga pahayag ng talent manager.