Pinag-uusapan ngayon sa social media ang posibleng pagsasama sa kauna-unahang talk show ng ALLTV, nina Mariel Rodriguez at Ciara Sotto, na parehong contract artists ng naturang bagong bukas na TV network na pagmamay-ari ng business magnate at dating senador na si Manny Villar.
Sa isang Facebook page na may nakalagay na pangalang "Alltv", na hindi naman kumpirmado kung opisyal na Facebook page ng network o fan-based lamang, sinasabing sina Mariel at Ciara ang magiging co-hosts sa nilulutong kauna-unahang flagship talk show ng network, na mukhang itatapat sa "Magandang Buhay" ng trio momshies na sina Jolina Magdangal, Melai cantiveros, at Regine Velasquez-Alcasid.
"Paparating na ang bago n'yong kakulitan, kakwentuhan, at kaaaliwan! Samahan sina Mariel Padilla at Ciara Sotto sa kauna-unahang TV TALK SHOW ng ALLTV. Malapit na malapit na!" ayon sa caption.
Sinita naman ng mga netizen ang pagiging lehitimo ng page, dahil kapansin-pansin daw na tila "low-class" ang mga ginagamit na pubmat.
"Can we also fact-check if ito talaga ang page nila?"
"Need po ba ng graphics editor ng page na ito?"
"Awww bakit ganito yung graphics?"
Matatandaang bago ang pagpirma nina Mariel at Ciara sa ALLTV, una nang napabalita ang mga espekulasyong sina Mariel, Toni Gonzaga, at Karla Estrada ang magsasama-sama sa talk show, matapos ang kanilang litrato nang magkasama-sama sa isang dinner.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/08/31/toni-mariel-at-karla-nagkita-kita-magiging-hosts-daw-ng-talk-show-sa-ambs/">https://balita.net.ph/2022/08/31/toni-mariel-at-karla-nagkita-kita-magiging-hosts-daw-ng-talk-show-sa-ambs/
Sa tatlong nabanggit, tanging si Karla Estrada pa lamang ang hindi pa nababanggit na pipirma ng kontrata sa ALLTV. Matatandaang nagbitiw si Karla sa Magandang Buhay bilang momshie host upang tutukan daw ang pagtulong sa partylist na "Tingog" kahit hindi siya nakaupo sa puwesto.
Anyway, wala pang kumpirmasyon mula kay Willie Revillame o sa iba pang ehekutibo ng ALLTV ang umano'y pagsasama nina Mariel at Ciara sa isang talk show, o kung may makakasama pa silang iba. Wala pa rin itong pamagat.
Maging sa opisyal na Facebook page ng ALLTV ay hindi rin mababasa ang naturang pubmat, at wala pang anunsyo tungkol sa kauna-unahang talk show ng ALLTV.
Ngunit kumpirmadong ilan sa mga lumang teleserye ng ABS-CBN at TV5 ay mapapanood dito, habang naghahanda pa sila ng kanilang mga programa o shows.