Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna na magkakaroon na ng mas malalaki at mas magagandang silid-aralan ang lungsod ng Maynila sa taong 2023.

Ayon kay Lacuna, ang Dr. Albert Elementary School (DAES) sa Sampaloc ay mayroon nang 44.31% completion rate at handa na itong gamitin pagsapit ng Hulyo 2023.

Samantala, ang iba pa aniyang mga eskwelahan na sumasailalim sa konstruksiyon at malapit na ring matapos ay ang Manila Science High School na 59.21% nang kumpleto at Rosauro Almario Elementary School, na 57.88% nang tapos.

Ang bagong R. Magsaysay High School ay inaasahan namang magiging handa na sa School Year 2024.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

“We expect these schools to be finished in time for next school year. By then, sana, handa na ang mga pinagagawang paaralan,” pahayag pa ni Lacuna, nitong Martes.

Kumpiyansa rin naman ang alkalde na dahil magkakaroon na ng mas malalaki at mas magagandang silid-aralan ang lungsod ay mas maraming estudyante ang mahihikayat na magpa-enroll at pumasok sa eskwela.

“Kasi sobra-sobra ang mga classrooms as against the estimated enrollees. Kinuwenta na namin against the number of rooms,” paliwanag pa niya.

Sa kanyang pagbisita sa DAES, kasama sina City Engineer Armand Andres at City Electrician Randy Sadac, sinabi ng alkalde na nakapwesto na ang mga high tech na silid-aralan.

Ang matitibay na railings ay nailagay na rin upang maiwasan na may mahulog na estudyante, dahil binubuo ng 10 palapag ang nasabing paaralan at may kalikutan ang mga bata sa elementarya.

Ibinunyag din ng alkalde na inatasan niya si Andres na pag-aralan ang posibilidad na makagawa ng daanan na magdudugtong sa DAES at Dapitan Sports Complex kung saan puwedeng mag-swimming at maglaro ng basketball at tennis ang mga bata.

Kwento pa ni Lacuna, sa Dapitan Sports Complex siya natutong maglaro ng tennis.