Nagsanib-puwersa na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Public Attorneys Office (PAO) laban sa mga tatay na ayaw sustentuhan ang kanilang mga anak sa kanilang ex-wife, dating kinakasama, o girlfriend na naanakan.

Nabatid na lumagda sina DSWD Secretary Erwin Tulfo at PAO Chief Atty. Persida Acosta ng isang memorandum of agreement (MOA) nitong Lunes, kung saan napagkasunduan nilang magtulungan upang habulin ang mga ama na ayaw sustentuhan ang kanilang anak sa kanilang mga ex.

“Hindi lang po warning…kundi sasampahan na ng kaso ang mga tatay ng bata na ayaw magbigay ng sustento sa kanilang anak,” ayon kay Tulfo.

Ipinaliwanag pa ni Sec. Tulfo na, “kapag lumapit ang isang ina sa amin at nirereklamo ang ama ng kanyang anak dahil ayaw magbigay ng sustento…una at pangalawa susulatan lang namin, kapag nagmatigas pa rin, ang PAO naman ang tutulong sa nasabing solo mom”.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“Tutulungan na ng PAO ang nanay ng bata na magsampa ng kaso sa korte,” aniya.

Samantala, sa panig naman ni Atty. Acosta, sinabi nito na, “ bilang na ang araw ng mga walang kwentang mga ama na ito. Posibleng kasong kriminal pa ang kakaharapin ng taong ito”.

“Mag-aanak-anak ka tapos hindi mo sustentuhan? Ano ka? Nagtanim lang ng halaman tapos hindi mo na aalagaan?” aniya.

Giit ng PAO chief, walang dahilan upang hindi sustentuhan ng tatay ang anak niya lalo na kung ito ay may hanapbuhay o pinagkakakitaan naman.

Kaugnay nito, hinimok nina Tulfo at Acosta ang mga ina na lumapit sa DSWD at ireklamo ang mga ama ng kanilang mga anak.

Dagdag pa ni Tulfo, “it does not matter kung may asawa o kasama ng iba si mommy, dahil ayon sa batas, dapat lamang sustentuhan ng tatay ang kanyang anak hanggang 18 years old”.

Paglabag sa Article 194 at 195 ng Family Code of the Philippines at Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 ang ikakaso sa mga tatay na pabaya.

Nabatid na ang RA 9262 ay may kaakibat na parusang pagkabilanggo mula isa hanggang 20 taon at penalty na₱100,000 hanggang₱300,000.