Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes na mayroon pang 814 karagdagang bagong kaso ng Omicron subvariants ang natukoy sa Pilipinas.
Batay sa datos na inilabas ng DOH, nabatid na sa naturang bilang, 688 ang bagong kaso ng Omicron BA.5; 16 ang BA.4 at 110 ang nasa ilalim ng kategoryang "other sublineages."
Sa mga bagong BA.5 cases, 126 ang mula sa National Capital Region (NCR); 104 ang mula sa Region 6; 75 ang mula sa Region 2; 73 ang mula sa Cordillera Autonomous Region (CAR); 56 ang mula sa Region 4A; 54 ang mula sa Region 12; 50 ang mula sa Region 1; 37 mula sa Region 3; 25 mula sa Region 9; 18 mula sa Region 7; 17 mula sa Region 4B; 16 mula sa CARAGA; 15 mula sa Region 5; anim mula sa BARMM; tig-dalawa mula sa Regions 10 at 11; at isa mula sa Region 8.
Sa naturang bilang 677 ang local cases habang 11 naman ang returning overseas Filipino workers (OFWs).
Ang mga bagong BA.4 cases naman ay pawang local cases. Ang 12 dito ay mula sa Region 12; dalawa ang mula sa NCR at tig-isa ang mula sa Regions 5 at 7.
Samantala, bukod dito sa mga naturang Omicron subvariants, mayroon rin namang natukoy na isang variant na mula sa ibang lineage habang 97 ang walang naka-assign na lineage.
Ayon sa DOH, ang mga naturang resulta ay base sa latest sequencing run na isinagawa nila mula Setyembre 16 hanggang 19, 2022.
Ang mga specimen na sinuri nila ay nakolekta naman mula Hulyo 17 hanggang Setyembre 11, 2022.