May storytime si Atty. Chel Diokno tungkol sa karanasan nila sa ilalim ng Martial Law noong 1972.

"Storytime! September always brings back so many memories about #MartialLaw," sey ni Diokno sa kanyang tweet nitong Lunes, Setyembre 19, kalakip ang halos 2 minutong video.

"Storytime mga anak. Siguro alam n'yo na ngayon na 'yung nangyari doon sa dad ko [noong] September 23, 1972. Inaresto siya na walang kasong kriminal laban sa kanya, walang warrant of arrest. Talagang bumaliktad 'yung mundo namin noon," panimula ni Diokno.

"We have to even suffer in the indignity of having to be strip naked tuwing dumadalaw kami sa dad ko so talagang hindi makatao at hindi makatarungan 'yung experience namin noong Batas Militar," dagdag pa niya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ikinuwento niya na noong 1990's nagkaroon siya ng kliyente na taga military at tila dinala ulit siya sa lugar na kung saan madalas silang mamalagi noong nasa kulungan ang kanyang ama.

"Pagdating ko doon sa may Fort Bonifacio, doon pa lang sa may harap ng gate sabi ko, 'alam ko itong lugar na ito ha. Dito ata nakulong ang tatay ko,'" kwento niya.

"Noong kausap ko na mga kliyente ko, sabi ko sa kanila, 'kilala ko itong lugar ninyo, dito nakulong 'yung father ko noon'," dagdag pa niya.

Nabanggit ng kanyang mga kliyente na may larawan ang pamilya niya doon sa opisina pero hindi naman ipinakita sa kanya.

Balik-tanaw ng human rights lawyer, "When we started visiting my father, lahat kaming pamilya pinaharap kami sa isang military photographer at pinatayo kami na may nameplate tapos pinicturan kami, binigyan kami ng ID."

https://twitter.com/ChelDiokno/status/1571669083229421570

Samantala, sa hiwalay na tweet, ibinahagi ulit niya ang isa pang video na kung saan ikinukwento naman niya ang isang "bitter sweet story" na nagpapaalala sa kanyang ama noong Martial Law.

"'Yung father ko nakulong sa isang cell, apat na units 'yon. Talagang kongkreto 'yon, puro semento tapos meron pang tower sa taas kaya talagang binabantayan siya. Pero doon sa likod niya parang merong grassy field na puro matataas na talahib," aniya.

Kwento pa niya, humingi ng permiso ang ama niya kung pwede nilang i-clear yung mga talahib at pumayag naman daw ito. Kaya tuwing linggo, may dala-dala silang magkakapatid na pala para tanggalin ang mga iyon at nagtanim.

Ilang taon daw ang lumipas ay nagkaroon siya ng kliyente na roon din nakakulong. Naging pamilyar ulit siya doon sa lugar at natatandaan niya kung saan makikita ang garden.

"Pagbukas niya ng pinto, it was a beautiful garden. The plants, the trees that we had planted 20 years ago, were still there. It was a bitter-sweet feeling. Sabihin na lang natin yung liwanag sa dilim o 'yung pag-asa ay nakita ko roon sa mga natanim naming puno at halaman."

https://twitter.com/ChelDiokno/status/1571845951454867456

Ngayong Miyerkules, Setyembre 21, 2022, ang ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.