Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Lunes na pinakamataas pa rin ang Covid-19 case fatality rate sa hanay ng mga senior citizens mula Hunyo hanggang Setyembre ng taong ito.
Ang case fatality rate ay ang death rate sa mga naiulat na kaso ng Covid-19.
Sa datos ng Department of Health (DOH), na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Lunes, nabatid na mula Hunyo hanggang Setyembre, 2022, ang fatality rate sa mga senior citizen ay nasa 2.06%.
Ito na umano ang pinakamataas na fatality rate sa lahat ng age groups.
Samantala, ang 18-to-49 age group naman ang nakapagtala ng pinakamababang case fatality rate na nasa 0.14%, sa kaparehong panahon.
Ang case fatality rates naman sa 0-4 years old ay nasa 0.15%; sa 5-11 years old ay nasa 0.20%; 12-17 years old ay 0.22%; at 50-59 years old ay nasa 0.69%.
Sa pinakahuling datos ng DOH, nabatid na umaabot na sa 62,549 katao ang binawian ng buhay dahil sa COVID-19 sa Pilipinas.