Matagumpay na naidaos ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang pagdiriwang Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) para sa ika-anim na taon nito bilang pagtataguyog ng husay at makabagong pananaw ng susunod na henerasyon ng mga Filipino filmmakers.
Ang buwang ng Setyembre ay itinuring ng FDCP bilang Film Industry Month.
Tampok sa screenings ang PPP Classics, isang seksyon na nakatuon sa ating mga bagong Pambansang Alagad ng Sining para sa pelikula; Sine Isla: LuzViMinda, isang short film competition na kumikilala sa mga regional filmmakers; at Sine Kabataan, isang short film competition para sa mga batang filmmaker.
Sampung maikling pelikula ang nagpasiklaban ngayong taon para sa Sine Kabataan: Ami ug Migo, Anak ng Santol, Back Home, Boy Kilat, Friends and Rainy Days, Hm hm Mhm, Kalumbata, No More Crying 毋通閣吼咯, Tong Adlaw nga Nag-Snow sa Pinas, at Unsolved Equation.
Limang pwesto ang pinaglalabanan ng sampung pelikula: Best Short Film, Best Director, Special Jury Prize, at dalawang Special Mention.
Wagi ng cash prize na P50,000 bilang Best Short Film sa Sine Kabataan ang Tong Adlaw nga Nag-Snow sa Pinas, sa direksyon ni Joshua Caesar Medroso.
Naiuwi naman ni John Peter Chua ang Best Film Director ng Sine Kabataan para sa pelikulang No More Crying 毋通閣吼咯, na nagwagi ng P30,000.
May naiuwi ring P30,000 cash prize ang pelikulang Hm hm Mhm sa pagkapanalo nito bilang Special Jury Prize.
Parehong nag-uwi ng P20,000 cash prize and mga pelikulang Anak ng Santol at Kalumbata sa pagkapanalo nito bilang Special Mention sa kategoryang Sine Kabataan.
Tulad ng sa Sine Kabataan, sampung pelikula rin ang nagsabong para patimpalak sa kategoryang Sine Isla: Huni kang Pungaw; Ang Pusil-Pusil ug ang DVD Player; Silang mga Naligaw sa Limot; Kasulaw; Roundtrip to Happiness; Tugbang sa mga Buhat (As to deeds); Aga-Hiw, The Dreamer; Mono; Transcript from Phone of the Wind; at Ngohiong.
Naiuwi ng pelikulang Kasulaw ang P50,000 cash prize sa pagkapanalo nito bilang Best Short Film.
Naiuwi naman ni Hanz Florentino ang Best Film Director ng Sine Isla para sa pelikulang Ngohiong, na nagwagi ng P30,000.
Hindi rin nagpahuli ang pelikulang Silang mga Naligaw sa Limot sa pag-uwi ng pwesto bilang Special Jury Prize at P30,000.
Ang mga pelikulang Aga-Hiw, The Dreamer at Roundtrip to Happiness ay nagsipag-wagi ng P20,000 cash prize sa pagsungkit ng mga ito sa Special Mention award.
Ang mga pelikulang nagwagi ay nag-uwi ng tropeyo at mga sertipiko.
Nagkaroon rin ng special screening ng mga award-winning Filipino films na Leonor Will Never Die at John Denver Trending.