Patay ang isang ama ng tahanan habang sugatan ang kanyang anak nang mauwi umano sa pagtatagaan ang kanilang mainitang pagtatalo na dulot umano ng matagal na nilang alitan sa Rizal nitong Linggo ng gabi.

Kaagad na binawian ng buhay ang amang si Crisanto Competente habang sugatan naman ang kanyang anak na si Salvador, kapwa nasa hustong gulang at residente ng Tanay, Rizal.

Batay sa ulat ng Tanay Municipal Police Station, dakong alas-9:00 ng gabi nang maganap ang krimen sa tindahan ni Salvador.

Bago ang krimen, nagtungo umano si Crisanto, na noon ay lasing, sa tindahan ni Salvador, upang bumili pa ng alak.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Gayunman, nang makita nito ang anak ay nagalit umano ito at sinabing, "Wala na akong anak na Badong, matagal na kitang itinakwil!"

Nauwi umano sa pagtatalo ang insidente hanggang sa kumuha ng itak ang biktima at tinaga ang suspek, na tinamaan sa ibabang bahagi ng kaliwang dibdib.

Dahil dito, napilitan nang lumaban ang suspek at pinagtataga rin ang biktima sa iba't ibang bahagi ng katawan na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.

Kaagad din namang isinugod ng mga kaanak si Salvador sa Rizal Provincial Hospital System upang malapatan ng lunas, ngunit kinailangan itong ilipat sa East Avenue Medical Center dahil sa malalang sugat na tinamo nito.

Ang suspek na anak ay mahaharap sa kasong parricide sa piskalya.