Hindi napigilan ng 'Wowowin' host na si Willie Revillame na maglabas ng saloobin tungkol sa mga kritiko ng AllTV.

“Minsan nakakasama ng loob. Pinupuna pa yung pagkakamali namin. Mahirap magpuna ng pagkakamali ng kapwa mo, tingnan mo muna yung sarili mo, di ba? Wag na tayong pumupuna. Isipin mo yung ilang taong tinulungan ng station na ito," aniya nitong Biyernes, Setyembre 16.

Gayunman, humingi ito na paumanhin hinggil sa sound system at iba pang technicalities.

“Kung nagco-comment kayo na masama ang sound system, accepted 'yun. Humihingi kami ng paumanhin. Eh alam n'yo naman ho bago lang ito. Eh bare with us, ika nga," anang Wowowin host.

Revillame, excited na sa bagong bahay ng 'Wowowin'; tatapatan ang Eat Bulaga, It's Showtime, at LOL?

Ayon kay Willie, minadali ang launching ng AllTV para sumabay sa wedding anniversary ng network heads na sina former Senate President Manny Villar at Senator Cynthia Villar. 

“Pagpasensiyahan niyo na ho kami. Sa totoo lang hindi naman September 13, October 1," dagdag pa niya.

Inamin din niya na hindi rin talaga sila handa. Inihabol lang din ito para maagang makapagbigay ng magandang pamasko ang Wowowin sa mga kababayan. 

Bukod dito, ipinakita niya sa mga viewers ang studio na Wowowin na kung saan ito ay kasalukuyang nasa penthouse ng Wil Tower.

Saad pa ng TV host-actor na kinupkop nila ang ilan sa mga nawalan ng trabaho sa ABS-CBN. Kaya't inaanyayahan din niya ang iba pang mga nawalan ng trabaho na magsubmit ng kanilang resume sa AllTV.