Hindi bababa sa 1,000 sako ng non-biodegradable waste materials ang naipon ng Philippine Coast Guard (PCG) nang pangunahan nito ang coastal clean-up drive sa Manila Baywalk Dolomite Beach sa Maynila nitong Sabado, Setyembre 17.
Pinangunahan ni Rear Admiral Robert Patrimonio, commander ng Marine Environmental Protection Command ng PCG, ang mga pagsisikap ng command sa pakikibahagi sa pagdiriwang ng International Coastal Clean-Up Day 2022 na may temang "Fighting for Trash-Free Seas, Pilipinas!"
“The International Coastal Clean-up Drive is vital as it promotes and unites countries and people with one common objective which is to take care of our environment by maintaining the cleanliness of our shorelines, rivers, lakes, and other waterways,” anang PCG.
Nakasuot ng mga kaswal na kamiseta at shorts sa kanilang trademark na kulay kahel at itim, kinolekta ng mga coast guard ang mga piraso ng basura na itinapon sa pampang sa artipisyal na puting buhangin na dalampasigan sa kahabaan ng Roxas Boulevard kaninang 6 a.m.
Sa kabuuan, mayroong 310 coast guardians at kinatawan mula sa PCG Auxiliary, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Heirs of the World Inc., Hotel 101 Manila, Climate Change Commission, at Eagles Club na lumahok sa inisyatiba.
Sabay-sabay na isinagawa ang coastal clean-up drive sa mga istasyon ng PCG sa buong bansa. Sa Tagum City, ang PCG District Southeastern Mindanao ay nakakolekta ng humigit-kumulang 800 kilo ng basura sa kahabaan ng baybayin ng Barangay Madaum.
Sinamahan sila ng mga kinatawan mula sa Hijo Resources, Bureau of Fire Protection, Provincial Environmental and Natural Resources Office, Boy Scout of the Philippines Tagum City Council, La Filipina Elementary School, at United States Marines. Sa Basilan, nakaipon din ang PCG Station Basilan ng 20 sako ng basura sa 500-meter long coastline ng Barangay Baluno, Isabela City.
Ang International Coastal Clean-up Day ay idineklara sa ikatlong Sabado ng Setyembre ng bawat taon sa Pilipinas sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 470 na inilabas noong 2003.
Ang clean-up drive ay kasabay din ng pagdiriwang ng Maritime Archipelagic Nation Awareness Month (MANA Mo) at 23rd Maritime Week na naglalayong ialay ang buwan ng Setyembre na “pagsama-samahin, ilunsad at ipatupad ang mga programa at aktibidad na magtataas ng pambansang kamalayan sa mga usapin kaugnay ng maritime archipelagic.”
Martin Sadongdong