Solong naiuwi ng isang mapalad na mananaya na mula sa Metro Manila ang mahigit ₱56.6 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Huwebes ng gabi.

Ayon kay PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades 'Mel' Robles, matagumpay na nahulaan ng lucky bettor ang six-digit winning combination ng Lotto 6/42 na 32  - 23 - 41 - 04 - 25 - 21, kaya't naiuwi nito ang katumbas na jackpot prize na ₱56,654,977.20.

Nabili umano ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa Valenzuela City.

Upang makubra naman ang kanyang napanalunan, pinayuhan ni Robles ang mapalad na mananaya na magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Kailangan rin nitong iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong IDs.

Samantala, ayon kay Robles, walang pinalad na magwagi sa Super Lotto 6/49 na may winning combination na 32  - 26 - 47 - 38 - 48 - 04 kaya't hindi naiuwi ang katumbas nitong premyo na ₱77,518,718.60.

Inaasahan namang tataas pa ang naturang premyo sa susunod na bola nito sa Linggo.

Kaugnay nito, hinikayat ni Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro, partikular na ang lotto, upang magkaroon ng pagkakataon na maging susunod na milyonaryo at makatulong pa sa mga kababayan nating nangangailangan.

Ang Lotto 6/42 ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Sabado habang ang SuperLotto 6/49 ay binobola naman tuwing Martes, Huwebes at Linggo.