Nakikini-kinita na rin ng Department of Health (DOH) ang nalalapit nang pagtatapos ng Covid-19 pandemic.

Ito ang inihayag ni DOH Officer-In-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire sa isang pulong balitaan nitong Biyernes, kasunod ng unang pahayag ng World Health Organization (WHO) na natatanaw na nila ang nalalapit na pagtatapos ng pandemya.

“Dito sa Pilipinas kapag tiningnan natin, ako personally, and even the Department feels that we are seeing na mukhang matatapos na nga,” ayon kay Vergeire.

Gayunman, sinabi ni Vergeire na dapat pa ring maging handa ang Pilipinas dahil kahit na magtapos na ang pandemya ay maaaring manatili pa rin ang virus at paminsan-minsan ay magdulot ng mga outbreaks at pagkamatay.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ani Vergeire, “Expectedly, it will still cause outbreaks every now and then. Expectedly, it will still cause one to two deaths or some deaths every now and then because hindi naman mawawala 'yangCovid-19, nandiyan 'yan.”

Giit niya, ang kailangang gawin sa ngayon ay palakasin ang sistema, gayundin ang immunity ng mga mamamayan.

Dapat din aniyang tiyaking handa ang mga pasilidad ng bansa upang sakaling dumating man ang pagkakataon na magkaroong muli ng outbreak ngCovid-19ay walang dapat ipangamba ang lahat dahil tayo ay protektado na laban sa virus.

Dapat rin aniyang ipagpatuloy ng bansa ang pagsusuri, panatilihin ang clinical management, abutin ang vaccination targets, palakasin ang mga healthcare facilities, at patuloy na magpatupad ng risk communication sa publiko.

“It has affected the response of each and every country all over the world. Kailangan malabanan natin ‘yung nagpapakalat ng maling impormasyon, ‘yung nagpapakalat ng unscientific data laban sa bakuna, o di kaya laban dito sa mga response na ginagawa natin,” anang DOH OIC.

Una nang sinabi ng WHO nitong Miyerkules na natatanaw na nila ang nalalapit na pagtatapos ng pandemya ngCovid-19, kaya’t hinikayat ang mga bansa sa buong mundo na samantalahin na ang naturang pagkakataon na tuluyan nang tuldukan ito.