Mahigpit na tinutulan ng isang kongresista ang mungkahing ipagpaliban muna ang barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Disyembre 5.
Sa panayam sa telebisyon nitong Biyernes, binanggit ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, wala siyang makitang kapani-paniwalang dahilan upang iurong muna ang nabanggit na halalan.
Nauna nang ipinagtanggol ng mga mambatatas na nagsusulong na i-postpone ang BSKE at sinabi nilang makatitipid umano ang gobyerno ng ₱8 bilyon na maaaring gamitin sa pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas at sa ibang programa ng pamahalaan sa paglaban sa pandemya ng coronavirus disease 2019.
Hindi aniya madaling gawin ang mga dahilan ng mga kasamahang kongresista dahil dapat pa ring naaayon ito sa Konstitusyon.
"The Constitution grants the Comelec (Commission on Elections) fiscal autonomy. In other words, what is released to the Comelec cannot be countermanded by the executive. So, no savings can be used by the government for other purposes," paglilinaw ni Lagman.
Aniya, ang nalalabing hindi nagamit na pondo ay ginagamit pa rin sa iba pang pinaglalaanang programa ng Comelec.
"So, the reason doesn't exist legally and it cannot be enforced constitutionally," katwiran ng kongresista.
Ikinatwiran pa ni Lagman, lalo lamang gagastos ng malaki ang gobyerno sakaling ipagpalilban ang BSKE bunsod na rin ng pagpaparehistro ng mas marami pang botante at pagbili ng karagdagang equipment.
"It does not make sense because any postponement will result to a very expensive exercise next year. No less than the Comelec estimated that ₱18.3 billion would be needed including what was saved of about ₱7.5 billion," banggit pa ng mambabatas.
Matatandaang huling idinaos ang BSKE noong Mayo 2018.