Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Biyernes na plantsado na ang mga plano at programa ng pamahalaang lungsod ng Maynila para sa mga susunod na taon.
Ang pagtiyak ay ginawa ng alkalde, kasabay ng pasasalamat niya sa tagumpay nang katatapos na Executive-Legislative Agenda (ELA) conference na dinaluhan ng mga bumubuo ng Manila local government’s executive at legislative branches.
Pinasalamatan din ni Lacuna ang partner ng pamahalaang lungsod sa seminar, sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
“Every new administration, dapat me seminar…ang buong pamahalaang- lungsod ng Maynila ay dumalo sa executive and legislative agenda seminar where the executive branch and legislative branch of the city, Vice Mayor Yul Servo and the city councilors at department heads ay nagsama-sama para pag-usapan kung saang direction dadalhin ang lungsod,” paliwanag ni Lacuna.
Aniya pa, sa pagtitipon ng mga city officials ay pinag-usapan nila ang mga programa at proyekto na nais nilang ipatupad sa mga susunod na taon at kung paano ito maisasagawa ng maayos at episyente.
Ang pamamahala aniya niya ay nakatutok sa pagpapanatili at pagpapalakas ng ng mga kasalukuyang proyekto at binibigyang diin ang health at social services.
Nabatid na ang ELA ay isang unifying document na kaugnay sa termino ng mga halal na opisyal na binuo at napagkasunduan ng parehong executive at legislative departments ng local government.
Ito ay mahalagang pagtitipon na layunin na pagsamahin at pag-isahin ang legislative agenda sa executive agenda ng alkalde kung saan ang priority thrusts na kabilang sa ELA ay kinokonsidera sa budget ng local government units.
Ang ELA ay binuo sa loob ng first 100-days nang pag-upo ng mga bagong lokal na opisyal.