Hindi pa masabi ng Department of Health (DOH) sa ngayon kung mayroon na ngang local transmission ng monkeypox sa bansa.

Ito ang inamin ni DOH Officer-In-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire sa isang pulong balitaan nitong Biyernes.

Kasabay nito, inamin ni Vergeire na batid nilang hindi lahat ng mga may sintomas ng sakit ay kanilang naisasailalim sa pagsusuri.

Hindi rin aniya lahat sa mga ito ay nakakapagpasuri o nagtutungo sa doktor upang magpakonsulta.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“I cannot be certain to say that there is no local transmission,” ayon kay Vergeire. “Bakit? Alam natin hindi natin nate-test lahat. Alam natin hindi lahat ng may sintomas kung saka-sakali ay nakakapag-test o pumupunta sa kanilang mga doktor para magpakonsulta.”

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Vergeire na handa silang tukuyin at gamutin ang sinumang dinapuan ng monkeypox sa bansa.

“But what is certain right now, handa tayo to detect, handa tayo na gamutin, handa tayo to prevent the transmission of this disease,” aniya.

Sa kasalukuyan, nasa apat pa lamang ang kumpirmadong kaso ng monkeypox sa Pilipinas.

Ayon kay Vergeire, tatlo sa mga ito ay fully recovered na, habang tinatapos na lamang ng isa pa ang kanyang home isolation.