Tatlong hindi pinangalanang overseas Filipino workers (OFWs) at miyembro ng LGBTQ+ community ang naiulat na ipinadeport pabalik sa bansa matapos mahuling nakasuot ng makeup sa pampublikong lugar sa Qatar.

Ito’y ayon sa burado nang ulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) – Central Luzon kamakailan.

“Mga kababayan po natin sila na nadeport from Qatar ngayon September 13, 2022. They said they were wrongfully accused of putting/wearing make-up in public,” anang tanggapan noong Setyembre 13 sa ngayo’y burado na sa kanilang Facebook post.

Kalakip ng post ang larawan ng tatlong walang pagkakakilanlan na mga Pinoy na ayon sa parehong ulat na ligtas na nakalapag sa bansa matapos ang insidente.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Bilang isang bansang Muslim, ang Qatar ay isa sa mga may pinakamahigpit na polisiya laban sa LGBTQ+ community.

Sa katunayan, nananatiling iligal sa naturang bansa ang male homosexuality na may parusang hanggang tatlong taong pagkakakulong, liban pa sa pinansyal na multa.

Negatibo rin ang pananaw ng kalakhang komunidad sa Qatar kaugnay ng cross-dressing, kabilang ang pagsusuot ng makeup ng mga male assigned at birth.

Samantala, kaugnay ng umano’y maling akusasyon, anang tatlong OFWs, ng mga otoridad sa banyagang bansa, tiniyak ng OWWA ang nagbabalik na OFWs na tutulungan sila ng ahensya "regardless of reason."