Nakapagtala pa ang bansa ng 216 na bagong kaso ng Delta variant at Omicron subvariant ng coronavirus disease 2019 (Covid-19), ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes.
Sa datos ng DOH, 163 ang BA.5 Omicron subvariant cases na natukoy hanggang nitong Setyembre 13.
Sa 163 BA.5 cases, 151 ang mula sa Davao Region; anim ang mula sa Soccsksargen; dalawa ang mula sa Caraga; at tig-isa ang mula sa Western Visayas, Central Visayas, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at National Capital Region (NCR).
Apat pang kaso ng Delta variant ang naitala sa Davao Region, habang dalawa ang mga kaso ng BA.4 na natukoy rin sa naturang lugar.
Dalawa pang kaso ng “other sublineages” ng virus ang naitala, habang ang 45 kaso naman ay nasa ilalim ng kategoryang “no assigned lineage.”
Binanggit din ng ahensya, ang mga samples na isinalang sa pinakahuling sequencing run ay nakolekta nila sa pagitan ng Hulyo 30 hanggang Agosto 30.