Inaasahang tataas pa ang jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 sa susunod na bola nito sa Sabado, Setyembre 17, na aabot sa ₱177 milyon.

Ito, ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Vice Chairperson at General Manager Melquiades 'Mel' Robles, ay dahil wala pa ring nagwagi sa ₱165,711,184.40 na jackpot prize ng GrandLotto 6/55 na binola nitong Miyerkules ng gabi.

Sinabi ni Robles na walang nakahula sa six-digit winning combination ng naturang lotto game na 17-24-36-15-34-18 kaya't hindi naiuwi ang katumbas nitong premyo.

Mayroon naman aniyang 23 mananaya ang nanalo ng tig-₱100,000 na second prize para sa nahulaang tig-limang tamang numero.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Samantala, inaasahang tataas ring muli ang jackpot prize ng MegaLotto 6/45, na bobolahin ngayong Biyernes, Setyembre 16, at aabot na sa ₱43.5 milyon.

Ayon kay Robles, hindi nahulaan ang six-digit winning combination na 41-30-28-10-11-40 ng MegaLotto 6/45 na binola rin kagabi.

Dahil dito, wala pa ring nakapag-uwi sa katumbas nitong jackpot na ₱39,674,710.

Ani Robles, sa kanilang pagtaya ay aabot naman sa ₱72 milyon ang jackpot prize ng UltraLotto 6/58 na bobolahin rin naman ngayong Biyernes.

Patuloy namang hinihikayat ni Robles ang publiko na tangkilikin ang kanilang mga palaro, partikular ang lotto, upang magkaroon ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo at makatulong pa sa kawanggawa. 

Ang GrandLotto 6/55 ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado habang ang MegaLotto 6/45 ay binobola naman tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.

Ang UltraLotto 6/58 ay binobola tuwing Martes, Biyernes at Sabado.