Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) nitong Huwebes na nakatanggap na sila ng mga sumbong ng umano’y mga pang-aabuso sa mga paaralan.
Ito’y may isang linggo matapos na ilunsad ng DepEd ang kanilang hotline para sa mga ganitong uri ng reklamo.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DepEd Spokesperson Michael Poa na mas mababa sa 20 ang mga sumbong na kanilang natanggap.
Ang mga ito aniya ay kinabibilangan ng sexual abuse, verbal abuse at physical abuse.
Tiniyak naman ni Poa na nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang opisyal ng ahensya upang maimbestigahan ang mga naturang sumbong.
Paniniguro pa ni Poa, ang lahat ng report na nakakarating sa kanilang tanggapan ay confidential at direkta na rin silang nakikipag-ugnayan sa mga complainants.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay inilunsad ng DepEd ang kanilang bagong email at hotlines kung saan maaaring direktang isumbong ng mga mamamayan kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang naranasan nilang mga pang-aabuso sa mga paaralan.
Kasunod na rin ito ng akusasyon laban sa pitong high school teachers sa Bacoor, Cavite na inakusahan nang pang-aabusong sekswal sa kanilang mga estudyante.
Lima sa mga guro ang nasampahan na ng kasong administratibo habang hindi nasampahan ang dalawa pa dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya.
Nanawagan na rin naman ang DepEd sa mga biktima ng pang-aabuso na huwag matakot na lumantad at magsampa ng reklamo.