Plano ni Manila Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto na repasuhin ang may 8,000 umiiral na ordinansa sa Maynila.

Sa isang eksklusibong panayam ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) kamakailan, sinabi ng bise alkalde na plano niyang i-repeal ang ordinansa kung hindi na aplikable o amyendahan ito, lalo na kung ito ay mahalaga at magagamit pa sa kasalukuyang panahon.

Ayon kay Servo, nakikipag-ugnayan na siya sa mga miyembro ng Manila City Council upang tulungan siyang maisakatuparan ang balak sa lalong madaling panahon.

“Nagpapatulong ako na malinis namin ang mga ordinansa. Nag-start kami sa luma na noon pang 1918, sa mga obsolete, kailangang i-repeal or i-amend.Di na kasi napapanahon ‘yung iba at dapat repasuhin or ayusin ang mga ordinansang luma,” pahayag pa ni Servo na siya ring Presiding Officer ng konseho.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Inihalimbawa ni Servo ang ordinansang nag-oobliga sa mga kababaihan at mga kalalakihan na magsuot ng Barong Tagalog at Baro’t Saya kung magpupunta sa kalye ng Escolta.

Intensyon din ng bise alkalde na i-convene ang konseho para sa pagbuo ng pinakamabuti at posibleng solusyon o nararapat na aksyon sa pagrerepaso ng mga ordinansa.

“Hahatiin sa mga committee ang mga ordinansang makita na nangangailangan ng either amendment o repeal,” paliwanag pa niya.

Una nang sinabi ng bise alkalde na plano niyang i-digitize ang mga ordinansa upang mapreserba ang mga ito, madaling makita at madaling marebyu.

“’Yung mga papers luray na. We aim to achieve ‘yung pagsasaayos, decoding of ordinances.Nakita ko kasi sa Congress ang dali pag nagri-research, ang ginagawa dun ita-type lang ang number or keyword,” kwento pa ni Servo, na nagsilbi bilang third district Congressman ng dalawang termino.

Aniya, isang grupo na bubuuin ng 20 kawani mula city council at Vice Mayor’s Office ang hahawak sa proseso ng pag-a-amyenda.

“They (team) will codify all penal ordinances so as to keep all such relevant laws in one book to be used by the executive, legislative and judiciary branches of government in the City of Manila,” dagdag ng bise alkalde.

Hangad ng bise alkalde na matapos ang plano sa unang taon niya sa tanggapan.