Tumaas ng 36% ang mga naitalang kaso ng leptospirosis sa bansa sa unang walong buwan ng taon.

Batay sa National Leptospirosis Data ng Department of Health na inilabas nitong Miyerkules, nabatid na mula Enero 1 hanggang Agosto 27, 2022, ay umaabot sa 1,770 ang leptospirosis case na naitala sa bansa.

Ito ay mas mataas anila ng 36% kumpara sa 1,299 lamang na naitala sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.

Anang DOH, karamihan sa leptospirosis cases ay naitala sa National Capital Region (NCR) na nasa 378 (21%), Region VI na nasa 210 (12%) at Region II na nasa 195 (11%).

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Iniulat rin ng DOH na mula Hulyo 31 hanggang Agosto 27, 2022, nasa  327 kaso na ang kanilang naitala.

Karamihan sa mga ito ay naitala sa NCR na may 112 kaso (34%), Region XI na may 31 kaso (9%) at Region VI na may 29 kaso (9%).

Ang Regions II, V, VII, VIII, XI, at Cordillera Administrative Region (CAR) ay umabot na sa alert at epidemic threshold sa loob ng nakalipas na apat na morbidity weeks (July 31 to August 27, 2022).

Gayunman, walang naitalang clustering ng mga kaso sa bansa.

Samantala, mayroon rin namang naitalang 244 pasyente na namatay dahil sa leptospirosis na nakukuha mula sa ihi ng daga, o may case fatality rate na 13.8%.

Ang mga ito ay naitala noong Enero na may 14 deaths, Pebrero na may 11 deaths, Marso na may 23 deaths, Abril na may 32 deaths, Mayo na may 29, Hunyo na may 29 deaths, Hulyo na may 54 deaths at Agosto na may 52 deaths.