Isang menor de edad na lalaking holdaper sa England ang inulan ng biyaya dahil sa isang TikTok video.

Viral kamakailan ang video ng engineer at motivational speaker na si Winston Davis habang idinudokumento ang pakikipagkita ng suspek ng panghoholdap sa kaniyang pamangkin.

Bago nito, mahigit isang buwang hinagilap ni Davis ang suspek na napag-alamang 16-anyos lang.

Dito kalmadong hinikayat ni Davis ang binatilyo na ibalik ang tinangay na bag at simulan ang pagbabagong-buhay.

Human-Interest

Una at pinakabatang Pinoy na nakalibot sa buong mundo, may payo sa future travelers: 'Learn Skills!'

“In life, sometimes, we do things that we regret and then we want to try to make some change after that. What you are doing, bringing this back is a big moment, I think, in your life,” maririnig na saad ni Davis sa binatilyo.

Kalaunan, napag-alaman din ni Davis na ulila na ang suspek sa kaniyang mga magulang dahilan para masangkot siya sa ilegal na gawain, at magpabalik-balik sa kulungan.

Sa kabila nito, hangad pa rin umano ng suspek na maging isang computer engineer kagaya niya.

Matapos ibahagi ni Davis ang tagpo sa TikTok, maraming nagpaabot ng tulong sa binata, parehong pinansyal at alok na trabaho, para makapagsimula muli.

“Although what we did was completely wrong, he said he was broke and needed money. He is 16 years old, been in and out of detention centers…” nakikisimpatyang tugon ni Davis.

Umaasa naman ang motivational speaker na kasunod ng biyayang napagkalooban sa suspek, ito na ang “start of a new chapter” para sa binatilyo.

Naitampok sa ilang programa sa telebisyon sa England ang anang netizens ay “powerful” encounter na magbubukas ng panibagong pananaw sa mga menor de edad na nasasangkot sa mga krimen.