Aalisin ng gobyerno ang ipinatutupad na deployment ban sa Saudi Arabia, ayon sa pahayag ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Miyerkules.
Sa pahayag ni DMW Secretary Susan Ople, nakipagkasundo na ang Philippine government kay Saudi Minister of Human Resources and Social Development Ahmad Bin Sulaiman Al-Rajhi hinggil sa usapin.
Aniya, kabilang sa napagkasunduan ng dalawang bansa ang "disente at produktibong trabaho ng mga overseas Filipino workers at proteksyon ng kanilang karapatan."
"Based on our agreement with Minister Al-Rajhi, we will resume deploying Filipino workers to Saudi Arabia beginning November 7," pahayag ni Ople sa panayam sa telebisyon.
Matatandaang itinigil ng pamahalaan ang pagpapadala ng mga manggagawa noong Nobyembre 2021 dahil sa reklamo ng mga OFW na hindi sila sinusuwelduhan at usapin sa end of service benefits ng mga ito.