Sa muling panayam ni Toni Gonzaga-Soriano kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa special episode ng "ToniTalks" sa ALLTV nitong Setyembre 13, 2022, isa-isang sinagot ng pangulo ang mga diretsahang tanong ng host tungkol sa mga isyung ipinupukol sa kaniya.

Isa na nga rito ang tungkol sa pagkakaroon ng prangkisa ng ABS-CBN, kung saan, ito ang naging tahanan ni Toni sa loob ng halos 20 taon, simula nang mag-ober da bakod siya mula sa GMA Network; at matapos ang mga naging isyu kaugnay ng halalan, nagbitiw si Toni bilang main host ng reality show na "Pinoy Big Brother".

Makalipas ang ilang buwan, muling nagbabalik-telebisyon si Toni, ngunit nasa bagong TV network na siya na pagmamay-ari ng dating senador at business magnate na si Manny Villar.

Going back sa tanong ni Toni, sinabi ni PBBM na kung mase-settle umano ng TV network ang mga nabanggit na isyu sa mga naganap na Congress hearing noon, wala na umanong nakikitang dahilan ang pangulo upang hindi sila bigyan ng panibagong prangkisa.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

"I know the suspicion is that it is always because of the political positions that they took against PRRD (President Rodrigo Roa Duterte). The actual technical reasons are these issues that were found during the hearings in the House," ani Marcos.

"The question of the ABS-CBN franchise is really about the violations and problems they have encountered during the hearings and the investigation in the House of Representatives."

"So long those are attended to and those are resolved, there's no reason actually for the Committee of Franchises in the House to deny them of franchise," aniya.

Matatandaang noong 2020, tuluyang hindi na-renew ang prangkisa ng ABS-CBN matapos mag-No ang mayorya ng mga solon na bumoto rito.

Gayunman, patuloy na namamayagpag ang ABS-CBN lalo na sa digital platforms nito. Sa katunayan, itinuturing na "hari" ang network pagdating sa YouTube, sa buong Southeast Asia.

Nagsilbing "content provider" din ito para sa ibang TV network sa pamamagitan ng blocktime agreement, gaya ng A2Z Channel 11, TV5, at maging sa ALLTV. Ipalalabas sa ALLTV ang re-airing ng teleseryeng "Doble Kara" na pinagbidahan ni Julia Montes.

Samantala, number 1 trending sa YouTube ang panayam ni Toni kay PBBM na may 1,000,857 views na habang isinusulat ito.