QUEZON - Apat ang naiulat na namatay, kabilang ang isang 5-anyos na babae, habang dalawa ang nasugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa Pagbilao nitong Miyerkules ng umaga.
Dead on arrival sa MMG General Hospital sa Lucena City ang apat na sinaTeodoro Balitaan, Justina Balitaan, 62; Mary Rose Ravano, 30, at Princess Lara Aro Lopez, 5, pawang taga-Pagbilao, Quezon, dulot ng matinding pinsala sa kanilang ulo at iba't ibang bahagi ng katawan.
Sugatan naman sa aksidente sina Marvin Lopez, 24, tricycle driver, Marilyn Lopez, 48, at Nilda Penarubia, 56.
Kaagad na dinakip ng pulisya si Junior Rafael Vidaya Jovinal, 42, driver ng Isuzu truck na may plakang UFJ-324.
Sa ulat ni Pagbilao Police chief, Maj. Lawrence Panganiban, ang insidente ay naganap sa national highway sa Barangay Ikirin, dakong 9:00 ng umaga.
Tinatahak ng nasabing truck ang nasabing lugar at pagdating sa pakurbang bahagi nito ay bumangga sa isang tricycle na minamaneho ni Lopez.
Dahil dito, nabangga ng naturang tricycle ang isa pang tricycle na minamaneho ni Allan Jay Rey, 42.
Pito-katao ang sakay ng dalawang tricycle, kabilang ang 5 taong gulang na babae na kabilang sa apat na binawian ng buhay, ayon sa pulisya.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide laban kay Jovinal.