Nananawagan ang gurong si Sir Mark Armenta, Master Teacher I ng asignaturang Science, na naglilingkod sa isang pampublikong paaralan mula sa Sta. Maria, Bulacan sa Department of Education (DepEd) at sa kasalukuyang kalihim nito na si Vice President Sara Duterte, na sana raw ay mabigyan ang kanilang paaralan ng mga SMART TV na magagamit nila sa kanilang pagtuturo, lalo't muli nang nagbabalik ang face-to-face classes.

Ayon sa Facebook post ni Sir Mark noong Agosto, ilang araw matapos ang pagbubukas ng mga klase, sariling pera ng mga gurong kagaya niya ang ipinambibili sa mga aparato o kagamitang kinakailangan upang maipahatid ang maayos at convenient na pagtuturo para sa mga mag-aaral. Hindi na kasi uubra ang paggamit ng pisara o manila paper.

Itinag ng guro hindi lamang sina VP Sara at DepEd kundi maging sina Sir Abram Abanil of DepEd ICTS at Senador Francis Tolentino.

"Dear DepEd Philippines and beloved Secretary Inday Sara Duterte, Sir Abram Abanil of DepEd ICTS, Senator Francis Tolentino…"

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

"Padala naman po kayo ng mga TV sa bawat classroom sa mga schools," aniya sa kaniyang Facebook post noong Agosto 26, 2022.

Iginiit ni Sir Mark na hindi lamang siya ang gurong bumibili ng mga kagamitan para sa pagtuturo kundi maging ang mga kapwa-guro. Ang mga binibili nila ay sariling laptop, sariling Android TV, at projector.

"Nakakapagod din po kasi buhatin mula first to fourth floor ang sarili naming biling Android TV."

"Ganyan din po kalagayan ng iba kong co-teachers. Sariling bili ng laptop, TV at projector."

"Four years old na po ang TV kong ito ng Skyworth Philippines at gumagana pa. Mas mainam po sana if nakakabit na sa mga classrooms para mas tumagal at mas madaling gamitin. Kumakain din po kasi ng oras sa pagse-setup. Salamat po."

Inulit ng guro ang kaniyang panawagan sa kaniyang Facebook post nitong Setyembre 5, sa unang araw ng National Teachers' Month.

"Some of my co-teachers in Sta. Maria National High School (is) using SMART TV in our teaching from our own pockets. Aside from convenience, this is a good start to transform the traditional classroom into a classroom of the future, although we are already behind other countries. This is much needed as it also motivates the students to listen and engage in classroom activities."

Sa puntong ito, nanawagan na rin ang guro sa mga non-government agencies at iba pang mga pilantropong maaaring mag-donate para sa kanila.

"Calling all sponsors, NGOs, philanthropists, and all people with a good heart to share your blessings with us to fulfill our wish of installing at least one 55" SMART TV in our classrooms. Thank you very much! Happy Teachers' Month to all educators!"

Mapalad na nagsagawa ng eksklusibong panayam ang Balita Online kay Sir Mark. Dito ay iginiit ng guro ang kahalagahan ng paggamit ng mga makabagong kagamitan sa pagtuturo, lalo na sa mga aralin sa asignaturang Science.

"Dahil sa SMART TV at android phone, nadadala ko ang mga bata sa mga lugar na hindi pa nila napupuntahan o nakikita sa pamamagitan ng Google Earth. Matutuwa ka dahil kita mo ang sabik sa kanilang mga mukha at interes na mag-aral."

"Nakarating na kami ng Singapore, South Korea, Japan atbpng lugar. Nadaanan namin ang mga bundok at karagatan. Sumisid na din kami sa lalim ng Mariana Trench at nakitang bilog ang mundo."

"Nasa ibaba man tayo ngayon darating ang panahon na aangat din naman tayo."

Inisa-isa pa ng guro ang mga bentaheng magagawa nito, na tinawag niyang "SMART TEACHING" na sinimulan niyang tawagin noong 2018.

"Advantages of using SMART/ANDROID TV AND ANDROID PHONE"

"1. It can easily attract and sustain students’ attention."

"2. Android applications can be projected by the SMART TV using mirroring. Example: AR or augmented reality apps, Google Earth, Science Experiments Simulation."

"3. Students’ smartphones can also be connected to the SMART TV for reporting."

"4. It is easier to set up than a projector."

"5. TVs have built-in speakers for audio."

"Ang gusto po sana naman ay 55" na TV na naka-mount na sa wall para mas kita ng mga bata. Salamat po," giit ng guro.

Sa kabilang banda, kahit maganda ang hangarin at intensyon, may mga netizen daw na bumabatikos sa ginagawa niyang panawagan.

"May issue diyan ang iba… dami raw namin hinihingi… sana ma-emphasize po na iba na ang panahon ngayon… paunlad po tayo at hindi paurong… kaya kung hindi kami masuportahan, kami namang mga teachers ang gagawa ng paraan kahit galing sa sarili naming bulsa. Mai-angat lang ang kalidad ng edukasyon. Salamat po."

Hangad daw ni Sir Mark na makarating ito sa mga kinauukulan.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang DepEd, si VP Sara, o si Senador Tolentino tungkol dito.