Hinihiling ni Quezon City Councilor Alfred Vargas sa Kongreso na ibalik ang alokasyon para sa mga libreng gamot, pangangalaga sa kanser, at paggamot sa ilalim ng Cancer Assistance Fund (CAF) sa panukalang 2023 budget ng Department of Health (DOH).

Umapela si Vargas, na siyang principal author ng National Integrated Cancer Control Act (NICCA) o Republic Act No. 11215 noong termino niya bilang kongresista, matapos niyang malaman na inalis ang alokasyon para sa CAF sa proposed 2023 budget ng DOH.

Aniya, mula sa P529 milyon noong 2022, ang National Expenditure Plan (NEP) ng Department of Budget and Management (DBM) ay walang kasamang appropriation CAF na dapat sumasagot sa mga gastusin sa chemotherapy at iba pang paggamot sa kanser.

Sinabi ni Vargas na nalaman niyang nauna nang humingi ang DOH ng budget na tig-P900 milyon para sa CAF at sa mga kaugnay na Cancer and Supportive- Palliative Medicines Access Program (CSPMAP).

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Aniya, "I am hopeful that the respective leaderships and my former colleagues in Congress will reinstate the life-saving CAF and even increase the budget for these key programs. This would help alleviate the burden of cancer patients and their families, especially since most, if not all of them, are still recovering from the effects of the pandemic on their livelihood."

Giit pa ng kongresista, ang kanser ay nananatiling isang pangunahing pag-aalala sa kalusugan sa Pilipinas, kung saan tinatantya ng Cancer Control Division ng DOH ang bilang ng mga pasyente ng kanser sa 156,000.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang cancer ang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa buong mundo, na may mga 10 milyong kaso ang naitala noong 2020.

Batay sa datos ng DOH, sinabi ni Vargas na 189 sa bawat 100,000 Pilipino ang may cancer. Binanggit din niya ang datos mula sa Institute of Human Genetics ng Unibersidad ng Pilipinas na apat na Pilipino ang namamatay sa cancer kada oras, o 96 na pagkamatay kada araw.