Binati ni Senador Sonny Angara ang kauna-unahang Pilipinang tennis player na si Alex Eala, na nakasungkit ng kampeonato sa 2022 Girls’ Junior Grand Slam Singles na ginanap sa US Open Tennis Tournament sa New York City, USA.
Bukod kay Alex, binati rin ng senador ang kauna-unahang Filipina weightlifter na nakakuha ng gintong medalya sa Olympics na si Hidilyn Diaz, gayundin si Yuka Saso na kampeon naman sa 2021 Golf US Women's Open, at ang Filipinas Football Team.
"Maraming salamat sa karangalang inyong inialay sa bansa, Alex, Hidilyn, Yuka, at sa Filipinas Football Team. Mabuhay!"
"It's truly 'her' moment for Philippine sports. Patuloy natin silang suportahan! #AtletangPinoy," ayon pa sa Facebook post ni Angara.
Bukod kay Angara, naglabas na rin ng Senate Resolution No. 199 ang mga senador upang batiin ang pagkapanalo ni Eala, na inisponsoran ni Senate Majority Leader Joel Villanueva. Lahat ng mga senador ay co-authors nito.
Ayon kay Villanueva, matagal na niyang sinusubaybayan ang career ni Alex.
"I’ve been following this young lady’s career for years now, and it is so fulfilling to witness the culmination of all her hard work, dedication, and training with a grand slam championship at the tender age of 17," aniya.