Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte ang isinagawang blessing at ribbon-cutting ceremony para sa bagong Office of the Vice President Central Office, na matatagpuan sa Robinsons Cybergate Plaza sa kahabaan ng EDSA, sa panulukan ng Pioneer Street sa Mandaluyong City.
"Ginanap ngayong araw ang Blessing at Ribbon-cutting Ceremony sa bagong Office of the Vice President Central Office," ayon sa Facebook post ni VP Sara nitong Lunes, Setyembre 12.
"Pinagsikapan natin na magkaroon tayo ng opisina kung saan ang mga empleyado ng Central Office ng OVP ay nasa iisang gusali lamang dahil nais nating maging mas epektibo, mas matipid, at mas mapabilis ang ating trabaho dito sa Central Office."
"Maaasahan natin ang pagpapalawak ng mga kasalukuyang programa ng Office of the Vice President at ang paglunsad ng mga bagong programa na naglalayong makapagbigay ng tulong sa mas marami pa nating mga kababayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa."
"Ako ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng mga kawani ng Office of the Vice President na buong-puso, buong-katapangan at buong-katapatan na nagsisilbi sa publiko."
"Mabuhay po kayong lahat! Patuloy nating mahalin ang Pilipinas," ayon pa kay Inday Sara.
Sa kasalukuyan ay may pitong satellite offices ang OVP sa Dagupan, Cebu, Tacloban, Zamboanga, Davao, Surigao del Sur, at Bacolod.
Sa kaniyang mensahe ay pinuri ni Duterte ang mga kawani ng kaniyang tanggapan.
"Personal akong nagbibigay-pugay sa inyo para sa inyong mga sakripisyo at buong-pusong paglilingkod sa bayan bilang mga empleyado ng ating opisina," aniya.