SADANGA, Mt. Province – Dalawang lokal na turista na nagbiyahe ng P7.7 milyong halaga ng marijuana bricks ang naharang sa police checkpoint umaga nitong Martes, Setyembre 13, sa Sitio Ampawilen, Poblacion, Sadanga, Mountain Province.
Kinilala ang dalawang nadakip na sina Eliseo IV San Pedro Quiambao, 23, residente ng 18P, Tuazon Street, Cubao, Quezon City at John Cedric Gadia, 21, residente ng 64 Bae Compound, Barangay Vastra, Quezon City.
Sinabi ni BGen. Mafelino Bazar, regional director ng Police Regional Office-Cordillera, ang mga tauhan ng Sadanga Municipal Police Station, 3rd Platoon, 2nd Coy, Mt. Province Provincial Mobile Force Company (Lead units), Mountain Province Provincial Police Office at PDEA Mountain Province ay nagsagawa ng Interdiction Border Control Checkpoint, matapos makatanggap ng impormasyon na may magbibiyahe ng marijuana bricks mula Kalinga patungong Baguio City.
Naharang sa checkpoint ang isang kulay gray na kotse na may plakang NAE 3385 na lulan ang dalawang suspek.
Nakita sa loob ng sasakyan ang tatlong sako na naglalaman ng 67 piraso ng marijuana bricks na may timbang na 64.283 kilos at may Standard Drug Price na P7,713,960.00.
Isinagawa ang imbentaryo sa lugar na sinaksihan nina Barangay Captain Eliang Anongos and Lanie Faith Lagob from PIO Mountain Province.