Tinanggal na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasa 187,000 benepisyaryo sa buong bansa mula sa patuloy na revalidation ng 1.3 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Sa isang briefing nitong Martes, Setyembre 13, sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez na ang 1.3 milyong benepisyaryo ng 4Ps na natukoy na "non-poor" ay dumaan sa revalidation "para lamang matiyak na ang mga maaalis sa listahan o magtatapos ay talagang hindi mahirap.”
“Ang utos sa atin ni DSWD Secretary Erwin Tulfo ay tiyakin na ang mga aalisin sa ating 4Ps program ay ang mga may kakayahan na at nakalampas na sa ‘kanilang poorest of the poor status’,” ani Lopez.
Sa inisyal na datos, sinabi ni Lopez na 187,000 na ang tinanggal sa programa. Kabilang dito ang mga nakapasa sa “natural attrition” o ang mga wala nang anak sa kanilang sambahayan at ang mga kusang nag-waive ng kanilang pagiging miyembro.
“Mayroon pa ring higit sa 1 milyong benepisyaryo na sumasailalim sa field validation at sa ngayon ay na-validate na natin ang 22 porsiyento ng 1.3 milyon. Sa tantiya namin, mayroong 93,600 benepisyaryo na maaari naming irekomenda na tanggalin sa programa dahil hindi sila mahihirap,” dagdag niya.
Sinabi ni Lopez na mayroong ilang pamantayan upang matukoy ang pagtanggal ng isang benepisyaryo sa programang 4Ps.
“Ang isa ay ang natural attrition dahil wala ka nang mga anak sa iyong sambahayan. Ang iyong pamilya ay nasa programang 4Ps sa loob ng pitong taon. Kung ikaw ay na-tag bilang hindi mahirap dahil bumuti ang estado ng iyong pamumuhay. Kung ikaw mismo ay aalis sa programa o i-waive ang iyong membership sa programa at iyong tinatawag naming non-compliant,” paliwanag niya.
Sinabi ni Lopez na ang mga non-compliant beneficiaries ay ang mga hindi sumunod sa mga kondisyon ng programa, tulad ng pagsasagawa ng ilang mga aktibidad na naglalayong mapabuti ang kalusugan at edukasyon ng mga bata tulad ng regular na pagbisita sa mga health center, pagpapadala sa mga bata sa paaralan, at pagdalo sa mga session ng family development.
Ellalyn De Vera-Ruiz