Umaani ng papuri at paghanga ang elementary teacher na si Jeric Bocter Maribao sa kaniyang all-out na strategy sa pagtuturo sa mga estudyante sa pamamagitan ng pagkanta, pagsayaw ng mga itinturong paksa, bukod sa iba pa.
Instant celebrity si Jeric online, isang teacher ng Bag-ong Anonang Diut Elementary School sa Bonifacio, Misamis Occidental, ayon sa kaniyang Facebook account, sa kaniyang nakakaaliw at malikhaing pagtuturo.
Unang nag-viral ang estratehiya ni Jeric matapos i-upload ang kaniyang “Homogenenous and Heterogenous Mixture Song” sa saliw ng isa sikat na folkdance song noong Hunyo.
Dito, sabay-sabay na nagtuturo, kumakanta at nag-eeksperimento ang guro para mas madaling maintindihan at maalala ang paksa ng kaniyang mga estudyante.
Nasa mahigit 4.4 million views na ang naturang video at mayroong mahigit 83,000 positive reactions.
Humanga ang maraming netizens sa dedikasyon ng guro na anila’y isang challenging task.
Sa kaniyang Facebook channel na Jerics Channel at Classrom Strategies, patuloy na nagbabahagi si Teacher Jeric ng ilan pang estratehiya para sa kaniyang malikhaing paguturo.
Noong nagbalik-eskwela ang kaniyang mga estudyante noong Agosto, namigay din ng libreng school supplies si Teacher Jeric sa kaniyang mga estudyanteng chikiting.
Mabuhay ka, Teacher Jeric!