Hindi na obligado ang pagsusuot ng face mask sa mga open space, ayon sa pahayag ng Malacañang nitong Lunes, Setyembre 12.

Kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na naglabas na ng Executive Order No. 3 si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. hinggil sa usapin.

Aniya, ipatutupad kaagad ang nasabing direktiba ni Marcos na nagsasabing boluntaryo na lang ang paggamit ng mask sa mga open space o sa non-crowded outdoor areas na may maayos na bentilasyon.

Gayunman, hinikayat pa rin ng Malacañang ang mga hindi pa bakunado laban sa Covid-19, senior citizen at immunocompromised individual na magsuot pa rin ng mask at sumunod sa physical distancing sa lahat ng oras.

Binanggit pa na dapat na magsuot ng face mask sa mga indoor establishments, public transport, at outdoor settings kung saan hindi nasusunod na ang physical distancing.

Ang hakbang Marcos ay batay na rin sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force of Emerging Infectious Diseases kamakailan.

Nitong nakaraang linggo, binanggit ng Department of Health na mas nakabubuti pa ring manatili ang paggamit ng mask sa gitna ng pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa bansa.